Ang Beteranong Mambabatas – Ka Roning

Rogaciano Mercado MHPNHS-MAA
Image from Museo Valenzuela (http://museovalenzuela.blogspot.com)

Ang sumusunod na sanaysay ay nagwagi sa nakaraang timpalak kaugnay ng pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ni Rogaciano M. Mercado noong Nobyembre 5, 2016.

Kabilang si Mercado sa Class 1933 noong ang MHPNHS ay tinatawag pang Bulacan High School. Isa siyang kinikilalang namumukod na alumnus ng paaralan.

Naging kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan sa loob ng maraming taon, isa si Mercado sa mga lider ng oposisyon noong panahon ng batas militar.

“Mga Kontribusyon at Pamana ni Ka Roning: Natatamasa ko, Natatamasa ng Bawat Pilipino” ang paksa ng timpalak at isa ang akdang ito sa mga nagwagi, na isinama sa inilimbag na librong paggunita sa naging buhay ni Mercado.

Ang sumulat ng sanaysay, si Ian Froy P. Hilario, ang kasalukuyang punong patnugot ng Ang Malaya ng MHPNHS, taga-Malolos, at kabilang sa unang batch ng Senior High School na bubuo sa Class 2018.


PARA SA MGA PAMANA NI KA RONING AT ANG PAG-IWAS SA KAPALARAN NG PUSANG LIGAW

Pinalibutan siya ng hindi kaaya-ayang bagay. Ibinuka niya ang kanyang bibig ngunit hindi sapat ang namutawing tunog upang maipaabot sa kanila ang kanyang kalunos-lunos na kalagayan. Puno siya ng takot, palakas nang palakas ang kanyang pagsigaw ng hinagpis. Tumingin siya sa kawalan, nanghina, isang matinis na iyak ang kanyang tinuran bilang pagpapaalam – ang kanyang huling mensahe sa mundong ibabaw. Tinignan niya ang kanyang mga anak, pumikit, mangilid-ngilid ang luha sa mata at inilabas ang huli niyang hininga.

Aking pinagmasdan ang kamalasang inabot ng pusang ligaw. Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya upang matulungan siya. Hinanapan namin siya ng tuyong lugar at naglagay ng malinis na tela sa kanyang hihigaan. Nagbigay din kami sa sa kanya ng malinis na inumin at makakain ngunit hindi niya ginalaw ang mga ito, winalang-bahala ang aming ginawa upang matulungan siya. Huli na ang lahat, hindi niya napagtagumpayang maipanganak nang maayos ang kanyang mga supling.

“Kung hindi naman kasi bumaha,” sabi ko sa sarili ko. Napansin ko na naman ng aking sarili na nagrereklamo sa baha rito sa amin sa Bulacan. Kung bakit ba naman kasi hindi kayang masuportahan ng Angat Dam ang mga naipong tubig at tuwing magpapakawala ay sa aming mababang lugar ang bagsak. Tulad ng karamihan sa amin ay madalas naiisip ko kung ano ang ginawa ng gobyerno? Bakit palaging ganito?

Marami tayong hinaing. Marami tayong nais mangyari. Natatamasa natin itong masamang kalagayan ng lipunan. Mahal ang singilin sa tubig at kuryente. Minsan ay nagkakaroon tayo ng kakulangan sa bigas at madalas pang nagmamahal ang presyo nito. Dahil nga wala na rin akong maggawa, naisipan kong hanapin kung mayroon man lang matinong kongresista ang Pilipinas. Dito ko nais bawiin lahat ng sinabi ko.

***

Sa pagkamulat pa lamang ng ating mga mata sa umaga, sa pagbukas natin ng gripo upang maghilamos, sa paglasap sa sarap ng almusal na hinanda ni ina, sa pagsakay natin ng dyip, sa pagbili ng baon sa tindahan, at sa mismong pagtatalastas natin, ay mararamdaman, matatamasa, ating nagagamit ang ganitong mga pamana ng nag-iisa at natatanging Bulakenyo na ito.

Isa siya sa pumukaw sa aking pansin. Si Cong. Rogaciano M. Mercado na mas kilala bilang si Ka Roning. Dalawampung taon siyang naglingkod bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan (1953 – 1973) at anim na taon bilang miyembro ng Batasang Pambansa (1984 – 1990). Tunay na kagila-gilalas ang ipinakita niyang dedikasyon biling isang lingkod-bayan.

Siya ay ipinanganak sa Sta. Maria, Bulacan at naging isang masipag na mag-aaral. Sa kaniyang pagpupunyagi, nakapagtapos siya ng pagkamanananggol sa Unibersidad ng Pilipinas (1940), pinagtanggol ang bayan bilang Pinunong Panlaan (ROTC) noong sumiklab ang digmaan. Dahil sa kagustuhan ng ina, siya ay naging isang Hukom Pamayapa (1947) at dahil sa mabuting record ay nahirang siyang isang katuwang na piskal panlalawigan ng Bulacan (1948). Noong 1951 siya ay kumandidato sa pagka-alkalde sa bayang pinagmulan. Hindi man pinalad buong pagpapakumbaba siyang humarap sa mga mamamayan ng Sta. Maria at binate ang nagwaging kandidato. Naging pangulo siya ng Bulacan Bar Association (1952 – 1958). Siya ay tumakbo bilang kongresista ng ikalawang purok ng Bulacan at dito siya ay nagwagi at sinimulan ang ilang dekada ng matapat na paglilingkod sa bayan.

Sa kaniyang termino, siya ay naging awtor ng iba’t ibang saligang batas na inihain para sa ikabubuti ng buhay ng mga Pilipino lalo na ang mga maralita. Ang mga batas na ito ay pangunahin para sa edukasyon, industriya, kalusugan, karapatang-pantao at consumer welfare.

Paggising pa lamang sa umaga, hindi magiging ganito ang Bulacan, ang Pilipinas ngayon, kung wala ang mga nagawa niya.

Sa pagpihit ko ng gripo upang maghilamos, tumataas na naman ang aming bayarin sa tubig. Ngunit dahil kay Ka Roning mas bumaba pala ang singilin sa local Water District dahil nagpasa siya ng batas upang malibre ang mga ito sa buwis.

Sa paglasap ko ng linamnam ng almusal na niluto ni Ina, nararamdaman ko na kaagad ang mga pamana ni Ka Roning sa industriya. Dahil sa kaniyang mga batas sa pagpapaunlad ng ating agrikultura. Isinabansa niya ang industriya ng bigas at mais. Upang malinang ang kakayahan ng mga kabataang mambubukid, siya ay naging ‘ama’ ng Bulacan National Agricultural School sa San Ildefonso, Bulacan at Philippine Poultry School. Naging tulay ito upang hindi na kailanganin ng mga batang mambubukid noon na pumunta pa sa Muñoz, Nueva Ecija, o sa Los Baños, Laguna upang tumuklas ng karunungan sa agrikultura o sa pagsasaka. Nagsulong din siya ng ilang mga batas na nagbabawal sa pag-angkat ng bigas, mais, manok at itlog sa ibang bansa pati na rin ang pagpapalakas ng industriya ng gatasan at ng pag-aalaga ng kalapati.

Sa pagsakay naman natin sa dyip tuwina ay makakakita tayo ng mga matatandang mag-asawa na nakakakilig pagmasdan. Sa katotohanan nga ay higit anim na milyong senior citizens ngayon ang nakagagamit ng kanilang discount dahil sa Panukalang Batas Blg. 21256 ni Ka Roning na isang batas na ngayon.

Sa pagbili ko naman sa tindahan, naglaganap pala ang mga sari-sari stores bilang siya ang pangunahing awtor ng Batas Republika Blg. 1180, ang batas na nagsasabansa ng Kalakal na Tingian.

Wala ang sanaysay na ito ang ngayon kung hindi niya isinulong ang panukalang batas pagtatag ng Komisyon ng Wikang Pilipino na isa nang batas ngayon na nagpapapunlad, nagpapayabong, nagpapalaganap at nagpapanatili ng wikang pambansa. Nakatulong ito sa pagkakaisa nating mga Pilipino dahil sa isang Pambansang Wika na ating binibigkas. Naging awtor din si Ka Roning ng panukalang batas naglalaan ng Php. 50,000 para sa paglilimbang ng Diksyunaryong Tagalog at Balarila ng Wikang Pilipino.

Iilan lamang ito sa mga batas at panukalang batas ni Ka Roning na para sa atin. Ngunit ang higit na nagpabilib sa akin ay ang kanyang paglaban sa noon illegal na pagpuputol ng puno sa loob ng Angat Watershed. Dahil dito, napigilan ang sana ay mataas pa pala na baha na nararanasan ngayon ng mga Bulakenyo at mga taga-Maynila. Naging matagumpay din ang Angat Multipurpose project na siyang naging susi ng pag-unlad ng ekonomiya ng probinsya ng Bulacan. Naging susi ito ng pagkakaroon ng malakas na patubig ang sa mahigit 29 libong ektaryang sakahan na nagbigay ng karagdagang 2,900,000 kaban ng palay. Makapagbibigay din naman ang kasamang plant ang kuryente (hydroelectric power plant) ng 676 milyong kilowatt araw-araw. Makatutustos ang patubig ng 900 milyong gallon kada araw at kikita ang pamahalaan ng Php. 17 milyon taon-taon at Php. 10 milyon sa patubig.

Mapapansin natin na lagi tayong nagrereklamo sa kulang na ginagawa ng pamahalaan. Pero minsan pala nariyan lang sila at hindi natin napapansin tulad ng ginawa ng pusang ligaw. Tila isang kabastusan na hindi natin pahalagahan ang pinaghirapan ng ating mga mambabatas tulad ni Ka Roning. Bilang pagbibigay paggalang, dapat natin bigyang importansya at tumulong na rin. Hindi laging ang pamahalaan ang dapat kumilos, kailangan nila ng tulong ng mamamayan. At upang makaiwas tayo sa kapalaran ng pusang ligaw, ang mga bagay na natatamasa natin dulot ng mga naiambag ni Cong. Rogaciano “Ka Roning” Mercado ay ating pahalagahan at payabungin.

Ian Froy P. Hilario

Marcelo H. Del Pilar National High School

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*