Ano ang Sinupan?

Inaanyayahan namin ang lahat ng Del Pilarian na magtungo sa ating bagong “pugad” dito sa Internet: ang Sinupan.

Ito ang pugad ng mga alaala ng Bulacan High School (BHS), ang una at pinamatandang mataas na paaralang pampubliko na itinatag noong 1905 sa lalawigan ng Bulacan. Noong May 15, 1951, ang BHS ay ginawang Marcelo H. del Pilar High School (MHPHS) sa bisa ng Batas Republika 618. At noong 2003 naman, idinagdag ang salitang “National” upang maging Marcelo H. del Pilar National High School (MHPNHS).

Sa pugad na ito tinitipon ang mga babasahin, larawan, at iba pang dokumento upang manatiling buhay ang mga gunita ng paaralan sa lahat ng nagkaroon ng kaugnayan dito: mga nagtapos at kasalukuyang mag-aaral; mga naglingkod at kasalukuyang guro at kawani; at lahat ng magulang ng mga mag-aaral na aktibong bumalikat ng kanilang tungkulin bilang kaagapay ng paaralan.

Ang pugad na ito ang naging bunga ng panawagan ng ilang alumni ng MHPHS noong Marso 2016 na iligtas ang mga nalalabing kopya ng The Republic sa tuluyang pagkasira.

Tinawag itong “Save The Republic”, isang proyekto upang una, lumikha ng mga kopyang digital ng mga natagpuang lumang isyu ng pahayagan ng paaralan, at ikalawa, mangalap pa ng mga larawan at iba pang alaala ng paaralan.

Sa tulong ng mga alumni, nakapag-ipon ng isang maliit na pondo upang tustusang ang proyekto at nakapagplanong gumawa ng isang website na magiging tahanan ng mga nalikom na mga babasahin, larawan, at iba pang alaala.

Bukod sa mga babasahin, inaasahan nating sa hinaharap ay masisinop din natin ang mahahalagang dokumento ng ating paaralan, lalo na ang mga rekord ng estudyante at iba pa, sa pakikipagtulungan ng mga namumuno sa ating paaralan.

Mahalaga ang kasaysayan upang maging gabay sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng mga alaalang matutunghayan sa pugad na ito, mapananatiling buháy ang kasaysayan at mga pamana ng Inang Paaralan sa isip at kalooban ng mga mag-aaral, guro, at kawani na naging bahagi nito.

Mahalagang tulong din ang pugad na ito sa mga iskolar at mananaliksik na nais mag-aral sa mayaman kasaysayan at pamana ng BHS-MHPHS-MHPNHS.

Ang iba’t ibang bahagi ng Sinupan ay ang:

THE REPUBLIC: Opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral na unang nalathala noong taong-paaralang 1940-1941. Wala pang natatagpuang kopya (pormat tabloid) maliban sa pabalat ng regular na isyu para sa pagtatapos na lumabas noong Marso 1941 (Volume 1, No. 6), pormat magasin.

Pagkaraang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuhay ang The Republic at lumabas ang unang isyu noong Nobyembre 1945 (Volume II, No. 1).

ANG MALAYA: Isinasaayos pa. Sa bahaging ito ilalabas ang mga lumang isyu ng Malaya na nagsimula noong mga taong 1966-1967.

GRADUATION ANNUAL: Bago maging regular na commencement issue ng The Republic ang huling isyu tuwing matatapos ang taong-pampaaralan, may tatlong graduation annual na lumabas sa Bulacan High School: ang Souvenir and Commencement Announcement noong 1917; The Bulakenian noong 1918; at Bulacan High School Memoirs noong 1927.

Lumabas naman ang unang graduation annual ng The Republic bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (ikaanim na isyu noong Marso 1941; Volume I, No. 6). Wala pang kopyang natatagpuan maliban sa larawan ng pabalat nito.

PASKO SA MARCELO: May lumabas na walong isyung pamasko ang The Republic: 1947, 1948, 1949, 1950, 1951, 1952, 1953, at 1954. Hindi pa nauulit ang tradisyonal na isyung ito sa pormat magasin.

CLASS PICTURES: Bago magkadigma, bawat class o batch na nagtatapos ay karaniwang nagpapakuha ng group picture sa harap ng kapitolyo ng Bulacan o sa harap ng gusali ng paaaralan. Dahil sa pagdami ng bilang mga nagtatapos, nawala na ang ganitong klase ng group picture. Sa halip, nagpapakuha na lamang nang hiwa-hiwalay ang bawat section.

Ang mga retratong ito ng iban’t ibang batch o ng seksiyon ay galing sa graduation annual o mga programa ng kani-kanilang jubilee reunion (diamond, golden, ruby, o silver).

JUBILARIANS: Taon-taon, pararangalan ng MAA (Marcelo H. del Pilar National High School Alumni Association) ang mga Diamond, Gold, Ruby, at Silver Jubilarians.

Para sa taong ito, kinikilala ng MAA ang Class 1956 bilang Diamond Jubilarians; Class 1966 bilang Gold Jubilarians; Class 1976 bilang Ruby Jubilarians; at Class 1991 bilang Silver Jubilarians

GUNITA: Nakalaan ang seksiyong ito sa anumang souvenir o memento na iaambag ng mga nagtapos, guro, at iba pang naging bahagi ng BHS, MHPHS, at MHPNHS. Kung maaari, samahan ng caption o salaysay ang inyong ipadadala.

Ang SINUPAN ay pinamamahalaan ng pangkat ng mga nagsipagtapos sa MHPHS at kusang nag-alok ng kanilang kakayahan at iba’t ibang klaseng suporta upang maitaguyod ang proyekto. Binubuo nina Jaime A. FlorCruz  (Class 1967), Tristan T. Zafra (Class 1985), Ruth I. dela Rama-Dizon (Class 1985), Michaelangelo L. Benigno (Class 1994), at Perfecto T. Martin (Class 1968).

Kabilang naman sa mga tagapagtaguyod nitong proyekto sina: Gisela Guevarra Lubrin (Class 1971), Tess Buluran Granados (Class 1969), Joji dela Rama Martin (Class 1974),  Efren de Jesus (Class 1968), Tristan T. Zafra (Class 1985), Jaime A. FlorCruz (Class 1967), Perfecto T. Martin (Class 1968), Cesar E. Yñiguez (Class 1963), Nicanor Antonio (Class 1972), Leni FlorCruz Florentino (Class 1969), Iluminada de Jesus Catap (Class 1968),      Eugenia Kho Baria (Class 1968), Daisy Molina Quintos (Class 1968), Gliceria Roque Bagasin (Class 1968),  Beth Custodio Gomez (Class 1971), Solita de Jesus O’Brien (Class 1969), Marcelo Villanueva (Class 1967), Renato de Guzman (Class 1974), Rebecca I. dela Rama (Class 1970) at Peng dela Rama (Class 1979)


Ang sinúpan ay galing sa salitang “sinop”, ang salitang pinanggalingan ng “masinop” (neat and orderly; thrifty, economizing; having the habit of keeping things rather than dispose of them, mula sa Diksiyunaryo-Tesauro Filipino-Ingles ni J. V. Panganiban, 1972). Isinasalin din ito sa Ingles na “archive” o “filing cabinet”, sa Espanyol na “artsibo”, at pinilipinong “arkibo” mula sa Ingles na “archive.” Sa Vicassan’s Pilipino-English Dictionary ni Vito C. Santos (1978), ang “sinupan” ay 1. archives, 2. filing cabinet; ang “sinupin” ay “to save and keep, rather thanthrow away as useless.” Sa UP Diksiyonaryong Filipino (edisyong 2010), ang “sinupan” ay “artsibo”. Ang “Pambansang Sinupan ng Pilipinas” ay “National Archives of the Philippines” (Mga Pangalan n Tanggapan ng Pamahalaan sa Filipino, Aklat ng Bayan, 2013)


Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*