Inspirasyon sa Kabila ng “Katahimikan”

Efrida Guevarra. Credits: Facebook page

Paano kung sa iyong paggising ay wala ka nang marinig? Paano kung sa pagmulat ng iyong mga mata, kasabay na nawala ang iyong pandinig?

Kung iisipin, tila napakahirap na mamuhay sa katahimikan. Ngunit, hindi ito ininda ng Del Pilarian na si Efrida Guevara (Class 2006).

May kakulangan man siya, hindi ito naging hadlang upang matupad ang kanyang mga pangarap sa buhay. Kasama ng kanyang ina bilang interpreter, nagsumikap si Efrida sa pag-aaral.

Noong tumuntong ng hayskul, kabilang siya sa mga nasa Special Education Program o SPED ng ating paaralan. Isang hamon para sa kanya ang makasabay sa mga mag-aaral na nakaririnig. Ngunit, masuwerte rin naman siya sapagkat naging mabuti sa kanya ang mga guro at ibang kamag-aral.

Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa kolehiyo, matapos gumradweyt noong 2006. Sa katunayan, pumapasok na siya bilang isang ‘registrar’ sa Deaf International Institute Inc. at patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kanyang kapwa.

Hanggang ngayon, hindi nalilimutan ni Efrida ang mga itinuro sa kanya ni Tata Celo: Hindi hadlang ang kahit na anumang kapansanan upang makapagtapos sa pag-aaral. Lahat ay magagawan ng paraan kung gugustuhin lamang.

Tunay nga na isa siyang inspirasyon para sa atin sa kabila ng nararanasan niyang “katahimikan”.

 

Article by Jasly Marquez (Class 2015)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*